CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Sunday, August 14, 2005

May Natutunan ba Ako?

Bilang pagpupugay sa linggo ng wika, minarapat kong ilathala ang artikulong ito sa wikang tagalog. Pakay ko ay ipakita sa lahat ang kagandahan at kakaibang karisma ng dilang ating kinalakihan. Nawa po'y magsilbing inspirasyon sa inyo ang munting storya 'kong ito.

Sa pulotong ng mga bagay-bagay na natutunan natin sa paaralan, iilan ba talaga ang nagagamit natin sa tunay na buhay? At kung sa tone-toneladang bagay na sapilitan nilang isinaksak at inukit sa isip natin ay hindi naman kailangan talaga, meron ba talaga tayong natutunan?

Pagkatapos nating matutong magsulat at magbasa, mag-aral ng simpleng mathematics, para saan pa ang mga dagdag na kaalaman? Iyan ang madalas na dahilan kung bakit wala nang intensiyon ituloy ang pag-aaral ng karamihan sa mga kabataan natin. Sa isip nila, ang lahat ng ituturo sa iyo pagkatapos ng mga nabanggit ay 'di na essensyal sa kabuoan ng pagkatao nila.

Nais 'kong banggitin ang mga bagay sa buhay na natutunan ko sa aking mga guro, kamag-aral at sa lahat ng taong naging bahagi ng storya ng buhay ko.

Sa kinder, natutunan 'kong ang tao ay likas na inggitero. Ang magandang pencil case mo ang magiging mitsa ng isang munting kompetisyon kung sino ang mas poging estudyante.

Sa grade 1. Natutunan kong kahit anong galing mo sa kahit anong laro, pag kapwa mo lalaki ang kalaro mo, di ka nila isasali kung sa tingin nila ay matatalo mo sila. Sa babae naman, queber kung magaling ka o hindi, kung ayaw nila sa 'yo, 'wag ka na umasa.

Sa grade 2. Natutunan kong importante ang mag-practice magsulat. Kahit mukhang walang kwenta ang paulit-ulit na isulat ang pangalan at alpabeta sa papel. Sasang-ayon ka rin sa akin kung isang araw ay magising ka sa katotohanan na mukhang pirma ang sulat mo.

Sa grade 3. Lalong lalalim ang hidwaan ng lalaki at babae dahil dito na lumilitaw ang malaking pagkakaiba ng hilig ng dalawa. Tingin ng batang babae sa sa kabila, kadiri silang lahat. Sa kabilang kampo naman, tingin nila sa babae lahat maaarte at OA. May mga pagkakataon nga lang na dadaan ang maganda at seksing guro sa kabilang section at lahat ng yaon ay maglalaho. Malalaman mo rin na kahit maarte sila, di naman sila mahirap pakisamahan. Kahit mabaho at kadiri kami paminsan-minsan, isa lang yan sa mga bagay-bagay na mamahalin nyo tungkol sa amin.

Sa grade 4. May nakilala kang may itsurang kaklase mo. Sa tingin mo in-love ka na kahit di mo kayang ibaybay ang lahat ng gusto mong sabihin sa love letter mong nakasulat sa yellow paper. Hindi na alintana sa 'yo ang kutsain ka at pagtawanan dahil tingin mo romantiko ka sa mga ginagawa mo. Matututunan mo rin na

Grade 5-6. Pakiramdam mo ay may nagawa ka nang pwedeng ipagmalaki kasi malapit mo nang matapos ang isang baitang. Natutunan ko na kahit wala kang award at nakapikit ka nang kinunan ka ng graduation picture, malaking accomplishment pa rin yon.

1st-2nd Yr. H.S. Bagong mundo, bagong hamon. Natutunan kong kahit gaano ka-cute ang teacher mo, hindi mo dapat syang kindatan. Yun lang yun.

3rd-4th Yr. H.S. Natutunan kong dapat mong siguraduhin na hindi ka nakahawak sa linya ng kuryente habang sinusubukan mo ang home-made mong transformer. Dapat mo ring tignan kung ang kahoy na ginagamit mo para itayo ang kulungan ay hindi gagamitin ng karpintero para itayo ang gusali sa likod nyo. Mahirap tapusin ang project ng isang gabi lalo na kung inatasan kayong gawin ito sa luob ng isang buwan.

Abangan ang susunod....

0 comments: