CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, August 15, 2005

May Natutunan ba Ako? (Ikalawang Bahagi)

(Kaduktong)

1st Year College. Napakalaking aral ang natuklasan ko. 'Di ito tulad ng H.S. na kahit 'di ka mag-review ay may pag-asa kang pumasa. Kadalasan, sunog na ang kilay mo bagsak ka pa rin. Ang counterstrike ay hindi subject na kailangan i-major.

2nd Year College. Kahit gaano na kasibilisado ang mundo natin, natutunan kong meron pa ring mga taong huhusga sa iyo base sa iyong itsura at pananamit. Maaring hindi ka pumasa sa mga pamantayan nila, ang mahalaga ay hindi mawala ang respeto mo sa sarili at maging sa kanilang mga humusga sa iyo. Masunog ka man sa ngalan ng pag-ibig, babangon ka pa na mas malakas at mas matalino. Ang tequila ay hindi pareho ng tubig at ang larangan ng pakikipagtalik ay ibang-iba sa mga napanuod mo sa pinilakang tabing na may kasamang awit at saliw ng lira. Impossibleng tumagal ito ng "seven and a half weeks".

3rd Year College. Malapit ka nang magtapos, hindi ito lisensya para magpakawala ka sa sarili mo. Ang mga masasayang alaala ay masasayang lamang kung masyado kang lasing para maalala ito. Hindi ka man respetuhin, kailangan mong respetuhin ang mga babae. Natutunan kong ang Diyos pa rin ang may-ari ng buhay mo at dadalhin ka niya sa lugar na dapat mong paroonan kahit ano pa ang sabihin ng mga prayle sa 'yo at kahit sigawan ka ng officer mo sa ROTC.

4th Year College. Ang mga guro natin ang sandigan ng ating bansa at natutunan ko na mas may karapatan silang tawaging bayani dahil hindi nila iniwan ang bansa nila tulad ng OFW. Ang mga kaibigan mo ay isa-isang mawawala at ang mga tunay lang ang maiiwan at magtiya-tiyaga sa ugali mo. Nalaman kong ang graduation ceremony ay palabas lamang at hindi talaga importante para makahanap ng trabaho. Importante ito dahil kailangan ito ng mga magulang mo.

Bilang isang low-income Pharmacist/Laison officer/MedRep. Natutunan kong kahit ilang beses hindi magpasalamat ang mga babaeng ipinaupo mo sa MRT, hindi ito dapat maging dahilan para itigil mo ang pagiging maginoo. Hindi dapat natutulog sa tren at lalo na sa bus na ang paradahan ay nasa probinsya. Malayo pag lumagpas ka sa dapat mong babaan. Ang pagbebenta ay nakadepende ng malaki sa presentasyon at hindi sa kaalaman tungkol sa binibenta mo. Ang karisma ay natututunan din pala.

Bilang isang call center Agent. Nalaman kong boses babae pala ako. Nalaman kong mas matalino talaga tayo sa mga kano. Nalaman kong sa ganitong edad ay may mga tao pa ring mapanghusga at hindi mo kelangan sumabay sa mga mas bata sa 'yo para hindi mahalatang tumatanda ka na. Sa ganitong edad ay dapat maging huwaran ka ng mga bata at hindi kasabwat sa kalokohan. Sabihin man nilang KJ ka, nasa wasto ka nang pag-iisip para malaman ang dapat gawin. Hindi masarap ang pita pie pag kasama ng mountain dew. Masakit matulog sa sala ng ilang linggo. Nalaman ko ring hindi nakakatuwang maulanan ng gamo-gamo bilang panggising. Hindi dapat maging dahilan ang pag-ibig para manatili sa isang relasyon na makaksakit sa 'yo, pisikal man o emosyonal. Hindi magandang gumising ng may galit at poot sa puso.

Habang nabubuhay tayo, natututo tayo. Iyan ang motto ng paaralan namin na isinalin ko sa tagalog. Dati'y pinagtatawanan ko lamang ito ngunit 'di ko akalain na balang araw ay sasang-ayon ako dito. Maging mabuting guro sana ang buhay nyo para makarating kayo sa inyong paroroonan. Ang buhay ay maikli para sayangin lamang sa mga pangarap. Isabuhay ang bawat araw na parang ito na ang huli, kumanta na parang walang nakikinig, sumayaw ka na parang walang nanunuod, magmahal ka na parang 'di ka pa nasasaktan. 'Yan ang prinsipyo ko sa buhay ngayon. Hanggang sa muli.

1 comments:

Nick de Vera said...

By the way, it's blog, not blogg. As in web + log.