CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Monday, August 15, 2005

May Natutunan ba Ako? (Ikalawang Bahagi)

(Kaduktong)

1st Year College. Napakalaking aral ang natuklasan ko. 'Di ito tulad ng H.S. na kahit 'di ka mag-review ay may pag-asa kang pumasa. Kadalasan, sunog na ang kilay mo bagsak ka pa rin. Ang counterstrike ay hindi subject na kailangan i-major.

2nd Year College. Kahit gaano na kasibilisado ang mundo natin, natutunan kong meron pa ring mga taong huhusga sa iyo base sa iyong itsura at pananamit. Maaring hindi ka pumasa sa mga pamantayan nila, ang mahalaga ay hindi mawala ang respeto mo sa sarili at maging sa kanilang mga humusga sa iyo. Masunog ka man sa ngalan ng pag-ibig, babangon ka pa na mas malakas at mas matalino. Ang tequila ay hindi pareho ng tubig at ang larangan ng pakikipagtalik ay ibang-iba sa mga napanuod mo sa pinilakang tabing na may kasamang awit at saliw ng lira. Impossibleng tumagal ito ng "seven and a half weeks".

3rd Year College. Malapit ka nang magtapos, hindi ito lisensya para magpakawala ka sa sarili mo. Ang mga masasayang alaala ay masasayang lamang kung masyado kang lasing para maalala ito. Hindi ka man respetuhin, kailangan mong respetuhin ang mga babae. Natutunan kong ang Diyos pa rin ang may-ari ng buhay mo at dadalhin ka niya sa lugar na dapat mong paroonan kahit ano pa ang sabihin ng mga prayle sa 'yo at kahit sigawan ka ng officer mo sa ROTC.

4th Year College. Ang mga guro natin ang sandigan ng ating bansa at natutunan ko na mas may karapatan silang tawaging bayani dahil hindi nila iniwan ang bansa nila tulad ng OFW. Ang mga kaibigan mo ay isa-isang mawawala at ang mga tunay lang ang maiiwan at magtiya-tiyaga sa ugali mo. Nalaman kong ang graduation ceremony ay palabas lamang at hindi talaga importante para makahanap ng trabaho. Importante ito dahil kailangan ito ng mga magulang mo.

Bilang isang low-income Pharmacist/Laison officer/MedRep. Natutunan kong kahit ilang beses hindi magpasalamat ang mga babaeng ipinaupo mo sa MRT, hindi ito dapat maging dahilan para itigil mo ang pagiging maginoo. Hindi dapat natutulog sa tren at lalo na sa bus na ang paradahan ay nasa probinsya. Malayo pag lumagpas ka sa dapat mong babaan. Ang pagbebenta ay nakadepende ng malaki sa presentasyon at hindi sa kaalaman tungkol sa binibenta mo. Ang karisma ay natututunan din pala.

Bilang isang call center Agent. Nalaman kong boses babae pala ako. Nalaman kong mas matalino talaga tayo sa mga kano. Nalaman kong sa ganitong edad ay may mga tao pa ring mapanghusga at hindi mo kelangan sumabay sa mga mas bata sa 'yo para hindi mahalatang tumatanda ka na. Sa ganitong edad ay dapat maging huwaran ka ng mga bata at hindi kasabwat sa kalokohan. Sabihin man nilang KJ ka, nasa wasto ka nang pag-iisip para malaman ang dapat gawin. Hindi masarap ang pita pie pag kasama ng mountain dew. Masakit matulog sa sala ng ilang linggo. Nalaman ko ring hindi nakakatuwang maulanan ng gamo-gamo bilang panggising. Hindi dapat maging dahilan ang pag-ibig para manatili sa isang relasyon na makaksakit sa 'yo, pisikal man o emosyonal. Hindi magandang gumising ng may galit at poot sa puso.

Habang nabubuhay tayo, natututo tayo. Iyan ang motto ng paaralan namin na isinalin ko sa tagalog. Dati'y pinagtatawanan ko lamang ito ngunit 'di ko akalain na balang araw ay sasang-ayon ako dito. Maging mabuting guro sana ang buhay nyo para makarating kayo sa inyong paroroonan. Ang buhay ay maikli para sayangin lamang sa mga pangarap. Isabuhay ang bawat araw na parang ito na ang huli, kumanta na parang walang nakikinig, sumayaw ka na parang walang nanunuod, magmahal ka na parang 'di ka pa nasasaktan. 'Yan ang prinsipyo ko sa buhay ngayon. Hanggang sa muli.

Sunday, August 14, 2005

May Natutunan ba Ako?

Bilang pagpupugay sa linggo ng wika, minarapat kong ilathala ang artikulong ito sa wikang tagalog. Pakay ko ay ipakita sa lahat ang kagandahan at kakaibang karisma ng dilang ating kinalakihan. Nawa po'y magsilbing inspirasyon sa inyo ang munting storya 'kong ito.

Sa pulotong ng mga bagay-bagay na natutunan natin sa paaralan, iilan ba talaga ang nagagamit natin sa tunay na buhay? At kung sa tone-toneladang bagay na sapilitan nilang isinaksak at inukit sa isip natin ay hindi naman kailangan talaga, meron ba talaga tayong natutunan?

Pagkatapos nating matutong magsulat at magbasa, mag-aral ng simpleng mathematics, para saan pa ang mga dagdag na kaalaman? Iyan ang madalas na dahilan kung bakit wala nang intensiyon ituloy ang pag-aaral ng karamihan sa mga kabataan natin. Sa isip nila, ang lahat ng ituturo sa iyo pagkatapos ng mga nabanggit ay 'di na essensyal sa kabuoan ng pagkatao nila.

Nais 'kong banggitin ang mga bagay sa buhay na natutunan ko sa aking mga guro, kamag-aral at sa lahat ng taong naging bahagi ng storya ng buhay ko.

Sa kinder, natutunan 'kong ang tao ay likas na inggitero. Ang magandang pencil case mo ang magiging mitsa ng isang munting kompetisyon kung sino ang mas poging estudyante.

Sa grade 1. Natutunan kong kahit anong galing mo sa kahit anong laro, pag kapwa mo lalaki ang kalaro mo, di ka nila isasali kung sa tingin nila ay matatalo mo sila. Sa babae naman, queber kung magaling ka o hindi, kung ayaw nila sa 'yo, 'wag ka na umasa.

Sa grade 2. Natutunan kong importante ang mag-practice magsulat. Kahit mukhang walang kwenta ang paulit-ulit na isulat ang pangalan at alpabeta sa papel. Sasang-ayon ka rin sa akin kung isang araw ay magising ka sa katotohanan na mukhang pirma ang sulat mo.

Sa grade 3. Lalong lalalim ang hidwaan ng lalaki at babae dahil dito na lumilitaw ang malaking pagkakaiba ng hilig ng dalawa. Tingin ng batang babae sa sa kabila, kadiri silang lahat. Sa kabilang kampo naman, tingin nila sa babae lahat maaarte at OA. May mga pagkakataon nga lang na dadaan ang maganda at seksing guro sa kabilang section at lahat ng yaon ay maglalaho. Malalaman mo rin na kahit maarte sila, di naman sila mahirap pakisamahan. Kahit mabaho at kadiri kami paminsan-minsan, isa lang yan sa mga bagay-bagay na mamahalin nyo tungkol sa amin.

Sa grade 4. May nakilala kang may itsurang kaklase mo. Sa tingin mo in-love ka na kahit di mo kayang ibaybay ang lahat ng gusto mong sabihin sa love letter mong nakasulat sa yellow paper. Hindi na alintana sa 'yo ang kutsain ka at pagtawanan dahil tingin mo romantiko ka sa mga ginagawa mo. Matututunan mo rin na

Grade 5-6. Pakiramdam mo ay may nagawa ka nang pwedeng ipagmalaki kasi malapit mo nang matapos ang isang baitang. Natutunan ko na kahit wala kang award at nakapikit ka nang kinunan ka ng graduation picture, malaking accomplishment pa rin yon.

1st-2nd Yr. H.S. Bagong mundo, bagong hamon. Natutunan kong kahit gaano ka-cute ang teacher mo, hindi mo dapat syang kindatan. Yun lang yun.

3rd-4th Yr. H.S. Natutunan kong dapat mong siguraduhin na hindi ka nakahawak sa linya ng kuryente habang sinusubukan mo ang home-made mong transformer. Dapat mo ring tignan kung ang kahoy na ginagamit mo para itayo ang kulungan ay hindi gagamitin ng karpintero para itayo ang gusali sa likod nyo. Mahirap tapusin ang project ng isang gabi lalo na kung inatasan kayong gawin ito sa luob ng isang buwan.

Abangan ang susunod....