Independence day ngayon kaya naisipan kong ilathala ang storyang ito sa Tagalog. Ang kalayaan natin bilang isang bansa ay pinagbayaran ng pawis at dugo ng mga ninuno natin. Pag nakita nila tayo ngayon, masasabi kaya nila na sulit ang kanilang ibinuwis kapalit ng kanilang buhay? Naging malaya ba talaga tayo?
Buwis (tax). Buwan-buwan tayong nagbabayad nito pero kung saan ito ginagamit at kung kanino napupunta ay hindi sinasabi sa atin. Sa tuwing makakakita ka ng lubak sa daan, sirang pampublikong pasilidad, nabubulok na gusali at sangkatutak na red tape sa mga ahensya ng gobyerno, iisipin mo kung kulang pa ba ang binibigay mo para mapaayos ang bansa. Tuwing makakakita ka ng kongresistang sakay ng magarang kotse, opisyal na nasa Las Vegas tuwing laban ni Pacquiao, sign board na may mukha ng pulitiko, iisipin mo kung kaninong sweldo ang nagpondo sa mga yun.
Utang (debt). Di ka pa pinapanganak, sangkaterba na ang utang mo. Di ka na maka-ahon sa hirap ng buhay at ang perang nakukuha mo ay pambayad na lang sa utang ng nakaraan. Buong buhay mo, pilit mo itong binubura pero parang pati si Superman kalaban mo. Bigyan ka man ng gobyerno ngayon ng limang daang piso dahil nagtipid ka sa kuryente, hanggang saan ka dadalhin nuon? Tuwing lilingon ka, tumataas ang presyo ng mga bilihin, pamasahe pero ang sweldo mo nung 1980 pa ang halaga. Tatagal ka pa kaya?
Hustisya (justice). Parang lata na ng sardinas ang mga piitan at kulungan natin pero mga small time pa rin ang mga nakakulong. Malayang gumagala ang mga mandarambong, mamamatay tao at haragan ng lipunan. Pwede kang makulong pero ang mga mayayaman ay merong rest house sa Tanay na pwedeng tirahan. Kahit ilang beses mo silang ihabla at iharap sa korte ay biglang dadami ang mga sakit nila para 'di sumipot. Abo na ang bangkay ng pinanghihingan mo ng hustisya pero nakatengga lang sa courthouse ang kaso mo. Sisigaw ka ng rape para mapagtakpan mo ang kahihiyan mo dahil alam mong ang bayan natin ay mababaw ang luha para sa mga iyakin. Maraming sisigaw para sa iyo, tama kaya ang mga prinsipyo nila?
Pag Ibig (love). Pwede mong mahalin ang kahit sino pero dapat may itsura sya at may pera. 'Di na baleng matagal na kayong may pagtingin sa isa't-isa dahil kung hindi ka nya kayang buhayin ay wala rin syang silbi. Kelangan magustuhan din sya ng mga magulang, kaibigan, kapit bahay at katrabaho dahil importante ang imahe para sa 'yo. Pwede kang tumanggap ng regalo kahit na kailanmay 'di mo susuklian ng pansin. Magkaka-anak kayo ng pinili mong tropeong asawa pero 'di ka na nya susuyuin tulad ng dati. Makikita mo na lang syang may kasamang iba o amoy babae pag uwi. Tama kaya ang pinili mo?
Malaya ka na nga. Nakakapagreklamo ka na eh. Anong ginagawa mo sa kalayaang yan? Ipapahawak mo ba sa iba? Gagamitin mo para pumili ng mali? Sa paggamit mo nito, naaapakan mo ba ang kalayaan ng iba? Malaya ka ba talaga?
Birthday Girl
10 years ago